Tinatayang mahigit 35,000 lamang mula sa higit 1.4-milyong mga kasambahay sa Pilipinas ang mayroong nilagdaang kontrata sa kanilang mga employers.
Ito ang lumabas sa isinagawang survey ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine Statistics Authority (PSA) noong nakaraang taon at inilabas lamang ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) nitong Nobyembre.
Ayon kay NWPC Executive Director Criselda Sy, kanilang ikinababahala na marami pa ring mga kasambahay ang walang pinirmahang kontrata sa kanilang mga amo.
Ito ay sa kabila ng pag-iral ng Republic Act 10361 o mas kilala bilang “batas kasambahay” sa loob ng halos pitong taon.
Sinabi ni Sy, gagamitin nila ang resulta ng survey bilang batayan para repasuhin ang ilang programa ng DOLE at iba pang mga ahensiya pamahalaan na nangangalaga sa kapakanan ng mga kasambahay.
Samantala, lumabas din sa kaparehong survey na 83% ng higit 1.4-milyong kasambahay sa Pilipinas ang hindi pa rin sakop ng anumang benepisyo ng Social Security System (SSS).