Sinimulan na ng Department of Health ang imbestigasyon sa mga kaso ng Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD) sa Bayan ng San Pascual at iba pang bahagi ng lalawigan ng Batangas.
Ayon kay Health Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire, ang HFMD na dala ng Coxsackievirus ay maaaring i-transmit sa pamamagitan ng droplets.
Ang secretions gaya ng laway at pawis anya ng isang tao ay maaaring mahawa pa ang isang tao na posibleng magresulta sa lesion o sugat o pantal sa bibig, kamay at paa.
Ibinabala rin ni Vergeire na maaari ring mailipat ang sakit sa pamamagitan ng dumi ng tao.
Bagaman karaniwang tinatamaan ng HFMD ay mga batang edad 5 hanggang 7, maaari pa ring mahawa ang sinuman.
Isa sa mga sintomas nito ay nagsisimula sa lagnat, ubo, sipon na sasabayan ng mga sugat sa dila, gilagid at bibig maging mga pantal sa palad at talampakan.
Kadalasan namang kusang nawawala ang nasabing sakit at mayroon ding lunas pero maaaring magkaroon ng mga kumplikasyon kung hindi gagamutin.
Samantala, nagpakalat na ang DOH ng disinfection materials sa mga apektadong lugar habang binigyang-diin ng kagawaran ang kahalagahan ng hand hygiene upang maiwasan ang pagkalat ng HFMD.