Paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang pagpapatrulya sa mga lugar na matinding nasalanta ng bagyong Odette.
Ito’y bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PNP na imbestigahan ang mga napapaulat na kaso ng looting sa mga tinatawag na Calamity hit areas.
Ayon kay PNP Spokesman P/Col. Roderick Alba, bagaman may nakararating sa kanilang mga kaso sa pamamagitan ng media, wala pa namang nag-uulat sa kanilang mga himpilan hinggil dito.
Sakali aniyang may mahuling looter o magnanakaw, sinabi ni Alba na kanila ring aalamin ang sitwasyon nito lalo’t batid nila ang hirap na dinaranas sa mga lugar na kinakapos ng pagkain at inumin dahil sa kalamidad.
Maliban sa looters, sinabi ni Alba na binabantayan din nila ang iba pang mga kriminal na posibleng manamantala sa sitwasyon lalo na sa mga lugar na matinding sinalanta ng bagyo. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)