Ipinasisilip ng kamara ang mga kasong kriminal at administratibo na isinampa laban sa mga pulis na sumunod sa pagpapatupad ng war on drugs campaign ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Interesado si Congressman Dan Fernandez, Co-Chairman ng Quadcomm, na malaman kung ano ang sinapit ng mga pulis, lalo na ang may mabababa ng ranggo na sumunod lamang sa utos ng dating pangulo.
Suportado naman ni Quadcomm Overall Lead Chairman Robert Ace Barbers ang pahayag ni Cong. Fernandez at sinabing maraming pulis ang may problema sa pinansyal dahil sa gastos sa kaso batay narin sa datos na ibinigay ni PNP Chief Rommel Marbil kung saan, mayroon pang mga pulis na napipilitang mangutang para mabayaran lang ang kanilang legal fees.
Giit naman ni House Committee on Human Rights Chairman Bienvenido Abante jr., na layon ng imbestigasyon na matulungan ang mga pulis at hindi habulin ang mga ito sa kanilang maling aksyon.
Matatandaang sa pagdinig ng Quad Comm, sinabi ng dating pangulo na hindi niya alam na may mga pulis na nakasuhan at nasibak sa puwesto dahil sa pagsunod sa mga utos kaugnay ng war on drugs campaign.- Sa panulat ni Kat Gonzales