“Huwag ninyong niloloko ang ading ko!”
Ito ang banta ni Senador Imee Marcos makaraang manawagan na lansagin ang namamayagpag na sindikato ng mga kawatan sa Department of Agriculture.
Hindi nagustuhan ni Senator Marcos ang ulat na ginamit ang Office of the President upang palusutin ang binabalak na importasyon ng asukal.
Sa kabila nito, pinuri ng senador ang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos sa pagbasura sa planong importasyon ng 300,000 metric tons ng asukal.
Kasabay nito ay inihirit ng mambabatas sa pangulo na magsagawa ng balasahan sa matataas na opisyal ng DA Upang buwagin na ang mga sindikato sa gobyerno.
Una nang isinumbong ng local sugar producers sa tanggapan ni Marcos na lumampas na sa P100 ang kada kilo.
Ito’y dahil binabakuran o hinaharangan ng mga abusadong manufacturer ng sugared products ang mga imported na asukal kaya hindi na ito umaabot sa mga konsyumer.
Samantala, pinaiimbestigahan ng presidential sister Marcos si DA Undersecretary Leocadio Sebastian at iba pang mga opisyal ng ahensya kung bakit binawi ang pagharang sa importasyon ng mga processed animal protein o PAP mula Italy at iba pang bansa na kontaminado ng african swine fever.
Ibinunyag ng senador na si Sebastian ang pumirma sa memo noong August 5 na magpapalusot sa pag-angkat ng PAP sa Pilipinas kahit may a.s.f. sa Italy.