Kumpirmadong nasa Sulu na ang 4 na kidnap victim na kinabibilangan ng 1 Pinay mula View Resort Hotel Samal Island.
Ayon kay Moro National Liberation Front (MNLF) Spokesman Absalom Cerveza, ang mga biktima ay hawak ng grupo ni Al Habsi Misaya alyas Al Bahil, dating miyembro ng Abu Sayyaf na bumuo ng sariling pangkat.
Na-monitor aniya ng kanilang intelligence division na dinala ang mga bihag sa paanan ng Mount Bud Daho na 15 kilometro lamang ang layo mula sa kampo ng MNLF.
Nangangamba naman si Cerveza na muling sumiklab ang bakbakan sa Sulu kung hindi magtutulungan ang gobyerno at MNLF.
“If there is a request from the government and the proper protocol is going to be observed, sapagkat mahirap ang kalagayan na ito baka magkaroon ng mistaken encounter, kasi kapag dalawang armado na ang mag-operate sa area, mahirap at alam natin ‘yan.” Pahayag ni Cerveza.
Abu Sayyaf
Abu Sayyaf ang itinuro ng MNLF o Moro National Liberation Front na nasa likod ng pagdukot sa 3 dayuhan at 1 Pilipina sa Samal Island.
Ayon kay Reverend Absolom Cerveza, Spokesman ng MNLF, tanging ang Abu Sayyaf ang bandidong grupo na nag-ooperate sa Jolo Sulu, kung saan natukoy na dinala ang mga hostages.
Sinabi ni Cerveza na bagamat bukas ang MNLF sa ginagawang pagtulong para hanapin ang hostages, wala silang maipapangakong resulta dahil nakasalalay rin naman ito sa kanilang kakayahan.
Kailangan rin anyang dumaan sa tamang protocol ang pagkuha sa tulong ng MNLF para hanapin ang hostages upang maiwasan ang misencounter.
Sultanate of Sulu ready to help
Samantala, nakahanda naman ang Sultanate of Sulu na tumulong sa pamahalaan kaugnay sa paghahanap at pagsagip sa 4 katao na dinukot sa isang resort sa Samal Island.
Sinabi ni Datu Abraham Idjirani, tagapagsalita ng Sultanato, na kanila na lamang hinihintay ang paghingi ng tulong sa kanila ng Palasyo ng Malacañang.
Nakiusap din si Idjirani sa Malacañang na bumuo ng council of traditional leaders na maaaring makipag-ugnayan sa liderato ng sultanato at iba pang pribadong sektor sa Mindanao.
“Natatakot sila na mapagbintangan na sila ay one way or the other may kinalaman diyan, ang mga pribadong institusyon ay nag-aantay lang tumulong.” Pahayag ni Idjirani.
By Drew Nacino | Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit | Katrina Valle | Balitang Todong Lakas