Binigyan ng puwesto sa gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kilalang personalidad at mga dating pulitiko sa mga nakalipas na administrasyon.
Kabilang sa mga ito ang negosyanteng si Dante Ang na itinalagang Special Envoy of the President for International Public Relations sa ilalim ng Department of Foreign Affairs, dating Senador Edgardo Angara bilang Special Envoy of the President to the European Union at Junn Magno bilang member, Board of Directors ng Philippine National Railways.
Nabigyan din ng puwesto sa gobyerno si Ranjit Shahani, dating Pangasinan Congressman at pamangkin ni dating Pangulong Fidel Ramos, bilang member, Board of Directors ng Manila Economic and Cultural Office.
Si dating House Speaker Jose de Venecia Jr., hinirang bilang Special Envoy of the President for APEC, taliwas sa naunang napaulat na Special Envoy for Inter-Cultural Dialogue, habang si Brian Patrick Gordon, anak ni Senador Richard Gordon ay Member, Board of Directors ng Subic Bay Metropolitan Authority.
Maging ang kontrobersiyal na pulis-Davao na si Pol. Chief Supt. Vicente Danao Jr. ay itinalagang Commander ng National Anti-Illegal Drugs Task Force, CIDG.
Matatandaang si danao Ay nakunan ng video na nag-viral sa social media habang sinasaktan umano ang kanyang asawa.
By: Meann Tanbio / Aileen Taliping