Nagsagutan sa harap ng 70th United Nations General Assembly o UNGA ang Pilipinas at China hinggil sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Muling hinikayat ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario ang China na lumahok sa deliberasyon ng Arbitral Tribunal kung saan naghain ng reklamo ang Pilipinas sa ginagawang pag-angkin ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Nagpahayag ng paniniwala si del Rosario na ang dumaraming suporta mula sa international community at ang pinal na resulta ng arbitration process ang tutuldok sa mga agawan ng teritoryo sa karagatan.
Ang West Philippine Sea aniya ay bahagi ng international waterway kaya’t dapat lamang na idaan ang arbitration proceedings ang mga magkaka-kontrang usapin hinggil dito.
Nagpahayag rin ng pag-asa si del Rosario na tutugma ang mga pahayag ng China sa ginagawa nilang aksyon sa West Philippine Sea upang makabawas sa tensyong namumuo sa pagitan ng mga nag-aagawang mga bansa.
Bilang tugon, sinabi ng Chinese delegation na nais rin nila ng mapayapang pagsasaayos sa problema na naaayon sa international law.
Gayunman, sa pagkakataong ito, mas nais umano ng China na idaan sa direktang negosasyon at konsultasyon ang agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Iginiit ng Chinese delegation sa harap ng UNGA na nakabase sa historical at legal foundation ang pag-angkin nila ng teritoryo sa South China Sea.
By Len Aguirre | Allan Francisco