(11AM Update)
Nag-landfall na ang bagyong Maring sa bisinidad ng Mauban, Quezon kaninang alas-9:00 ng umaga.
Ayon sa PAGASA, kasalukuyan nang tinatahak ng bagyo ang Laguna-Manila area.
Asahan na patuloy na magdadala ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang bagyo sa Bicol Region, CALABARZON, MIMAROPA, Metro Manila, Central Luzon, at Pangasinan.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nabanggit na lugar laban sa posibleng landslide at flashfloods.
Nakataas ang signal number 1 sa Metro Manila, Cavite, Batangas, Camarines Norte, Camarines Sur, Northern Quezon kasama na ang Polillo Island, Rizal, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, Bataan, Pangasinan, Laguna at southern Aurora.
Taglay ng bagyo ang hanging aabot sa 60 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 100 kilometro kada oras.
Patuloy itong kumilos sa direksyong kanluran hilagang kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras at inaasahang lalabas ng PAR sa Huwebes.
Class suspensions
Sinuspinde na ng ilang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan ang klase dahil sa inaasahang malalakas na pag-uulan dulot ng sama ng panahon ngayong araw.
Walang pasok sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa buong lalawigan ng Rizal, Laguna, Batangas, Quezon, Bataan at Cavite.
Gayundin, kanselado na rin ang klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lahat ng antas sa buong Metro Manila.
Samantala, sa lalawigan ng Bulacan, wala namang klase sa lahat ng antas sa Meycauayan City at Marilao habang pre-school to elementary sa Calumpit.
AR / DWIZ 882