Suspendido ang mga klase sa elementarya at sekondarya sa pribado at pampublikong paaralan sa bayan ng Juban, Sorsogon bukas, Hunyo 13 dahil sa banta ng phreatic eruption ng bulkang Bulusan.
Ayon kay information officer Arian Aguallo ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), mula sa 25 barangay ay tanging ang barangay ng guruyan ang hindi naapektuhan ng ashfall sa nasabing bayan.
Nasa 116 na pamilya o 366 na indibidwal naman mula sa barangay Puting Sapa ang lumikas sa Juban evacuation center, sa gymnasium at Tughan evacuation center.
Nabatid na naitala ng Philippine Instutute of Volcanology and Seismology ang muling pagputok ng bulkang Bulusan kaninang alas-3:37 ng madaling araw na nagtagal ng 18 minuto.
Nananatili naman sa alert level 1 ang bulkang Bulusan na unang pumutok noong Hunyo 5.