Pumalo na sa mahigit 100 ang mga kolorum na sasakyan na na-impound ng Land Transportation Office (LTO) kasabay ng travel restrictions na ipinatutupad sa Metro Manila at iba pang lalawigan sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay LTO law enforcement service deputy director Roberto Valera, na base sa kanilang datos noong April 20, 2021, umaabot na sa 119 na mga behikulo ang kanilang na-impound mula sa NCR, Region 3, Region 4-A , Region 4-B, At Region 5.
Pahayag ni Valera, tuloy-tuloy ang kanilang mga operasyon, at sa kasalukuyan posibleng nasa 200 vehicles na daw ang kanilang nai-impound.
Dagdag pa ng LTO official, ilan sa mga nahuhuli nilang drayber ng mga kolorum na sasakyan ay nagpapalusot pa na kaanak umano nila ang mga sakay nilang pasahero.
Matatandaan na una nang inextend ng LTO ang registration validity ng mga sasakyan na may mga plate number na nagtatapos sa 3 at 4 kasunod ng ipinatupad na enhanced community quarantine (ECQ) at modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR at ilang lugar sa bansa.