Umapela ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga kompanya na mag-set up ng mga isolation facilities para sa kanilang mga empleyado bilang bahagi ng paglaban ng bansa sa COVID-19 pandemic.
Ginawa ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya ang pahayag makaraang magpositibo sa virus ang ilang empleyado ng isang kompanya sa Laguna na nagresulta naman sa pagkakahawa ng kanilang mga kaanak.
Ayon kay Malaya, walang kaalam-alam sa bagay na ito ang LGU dahil direkta umanong nag-report sa kanilang tanggapan ang naturang kompanya.
Pahayag ng opisyal, hindi na dapat pang pauwiin muna sa kanilang pamilya ang mga empleyadong maituturing na suspek sa pagkakaroon ng COVID-19 matapos na magkaroon ng close contact sa isang positive patient.
Ito aniya ang dahilan kung bakit nais nilang magkaroon ang mga kompanya ng sariling isolation facilities para sa kanilang mga empleyado.
Mayroon na aniya silang ginawang pakikipag-ugnayan sa ilang mga kompanya at sumang-ayon naman aniya ang mga ito sa kanilang ibinigay na suhestyon para sa paglikha ng sarili nilang quarantine facilities.
Napagkasunduan din aniya sa kanilang pagpupulong na ise-centralize na sa tanggapan ng Provincial Health Office ang lahat ng datos na manggagaling sa mga kompanya, at ang Provincial Health Office naman ang magbibigay ng mga update sa iba’t-ibang LGU’s.