Naglatag ng anim na kundisyon ang World Health Organization (WHO) na puwedeng gawing basehan sa pagtanggal sa ipina-iiral na lockdown sa ibat ibang mga bansa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon sa WHO, una ay dapat kontrolado na ang pagkalat COVID-19 at limitado na ang mga nagkakasakit sa lebel na kakayanin ng health care system ng isang bansa;
Pangalawa ay kung mayroon nang epektibong health care system kung saan mabilis nang naihihiwalay ang mga suspect cases, paglabas ng test results sa loob ng bente kwatro oras, isolation, at quarantine;
Kapag natukoy na ang major drivers ng COVID-19 transmission at may nakalatag na sistema upang mabilis itong maaksyunan;
Pang apat ay kapag mayroon nang nakalatag na sistema para protektahan ang mga papasok sa trabaho;
Pang lima ay kung sapat na ang kakayahan upang mabilis na ma-detect ang imported cases o mga dumarating sa bansa na posibleng may dala ng virus at kapasidad na i-quarantine ang mga ito; at
Pang anim ay kung naunawaan na ng lahat ng komunidad ang mahalaga nilang papel para maipatupad ng mahusay ang mga nakalatag na panuntunan laban sa COVID-19.
Binigyang diin ng WHO na anuman ang maging desisyon ng isang pamahalaan para tanggalin ang lockdown ay dapat nakabase sa ebidensya at mga datos.