Nagpaliwanag ang National Wages and Productivity Commission (NWPC) kung bakit hindi maaaring magkaroon ng standard minimum rate sa buong bansa.
Sa gitna ito ng mga batikos na hindi sapat ang inaprubahang dagdag-sweldo ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB).
Ayon kay NWPC Executive Director Maria Criselda Sy, may mga kondisyong ikinukonsidera ang Regional Wage Boards sa pagtatakda ng minimum wage ng mga manggagawa.
Una anya ay ang pangangailangan ng mga manggagawa at kanilang pamilya; kapasidad na magbayad ng mga employer at ang economic development lalo’t nasa recovery stage pa rin ang bansa kaya’t maingat ang pagsusuri sa socio-economic situation ng mga rehiyon.
Aminado si Sy na wala sa kanilang kakayahan na magtakda ng standard minimum wage sa buong bansa.
Ipinunto ng opisyal na ang minimum wage policy ay isa lamang sa support police ng gobyerno upang alalayan ang mga low-income earner tulad din ng pagbibigay ng conditional cash transfer, fuel vouchers at libreng sakay.
Magugunitang naglabas na ng wage hike order ang regional wage board sa National Capital Region, Western Visayas, Ilocos, Cagayan Valley at CARAGA.
Sa June 4 na epektibo ang 33 pesos na dagdag sa arawang sahod sa mga minimum wage earner sa NCR habang sa June 5 ipatutupad ang hanggang 110 pesos na increase sa Western Visayas.