Hinihikayat ng ilang mga kongresista si Pangulong Rodrigo Duterte na muling buhayin ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at National Democratic Front of the Philippines o NDFP.
Batay sa isinusulong na House Resolution 1803 na pirmado ng mahigit 60 mga mambabatas, kanilang iginiit na higit na makikinabang sa usapang pangkapayapaan ang mga Filipinong maralita at manggagawa dahil sa isinusulong nitong reporma sa agraryo at industriyalismo.
Bukod sa pagpapatuloy ng peace talks, ipinanawagan din ng mga nasabing mambabatas ang pagkumpleto sa nauna nang natalakay na comprehensive agreements sa social, economic at political reforms na tatayong haligi ng patas at pangmatagalang kapayapaan.
Samantala, ikinalugod naman ni Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) Secretary Jesus Dureza ang nasabing hakbang ng mga mambabatas.
Ayon kay Dureza, bagama’t hindi na kinakailangan ang nasabing resolusyon sa House of Representatives, malaki pa rin aniya ang maitutulong nito para maging batayan sa posibleng pagbabalik sa negotiating table ng pamahalaan at NDFP.
Magugunitang, kinansela ni Pangulong Duterte ang peace talks noong Nobyembre ng nakaraang taon dahil sa patuloy na isinasawang pag-atake ng mga rebelde laban sa pamahalaan.
—-