Tiniyak ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez, na ibabaon niya sa sistema ng Philippine National Police (PNP) ang repormang nais niyang ipatupad sa institusyon upang hindi na ito mabago kahit pa magretiro na siya sa puwesto.
Kabilang sa mga repormang nais ni Marquez ay ang ibaba sa komunidad ang serbisyo ng mga pulis.
Nais ni Marquez na mismong ang mga pulis ang maunang lalapit sa mga mamamayan upang mahikayat ang mga ito na makipag-tulungan sa pulisya sa pagpapatupad ng kaayusan at kapayapaan.
Ayon kay Marquez, nais rin niyang ibalik ang propesyonalismo sa hanay ng PNP upang maging susi sa pagsugpo sa mga bulok na pulis.
“Over and above na na-perform natin ang duties natin, mahalagang nagawa natin ‘yun, una sa ligal na pamamaraan base sa mga existing legal procedures and protocols, dahil doon din natin masusukat kung gaano tayo ka-professional, bilang mga alagad ng batas at bilang isang organization na pulis, kung hindi natin gagawin ‘yun eh kahit sabihin pa natin na napakakagaling natin at hindi naman tayo maaayos, hindi pa rin natin makukuha ‘yung tiwala at hindi natin mapapawi ang kailangan ng mga mamamayan natin.” Giit ni Marquez.
Tiniyak rin ni Marquez na tapos na ang panahon ng bata bata system sa PNP.
Ayon kay Marquez, mahigpit ang direktiba ng Pangulong Noynoy Aquino na dapat nakabase sa merito ang promosyon ng mga pulis.
“Marami po kasing factors na nag-iimpact doon sa ating placement and promotion, so merong mga senior na hindi agad napo-promote dahil hindi agad nakakapag-schooling, may mga bagay na ganun, subalit ang pinakamahalagang pamantayan na gagamitin natin ay merit and fitness, sinong pinakamagaling, sinong pinakamahusay sa isang posisyon na halimbawang bakante.” Dagdag ni Marquez.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit