Makakaasa ang mga customers ng tubig sa Metro Manila at ilang kalapit na probinsya na walang ipatutupad na dagdag-singil sa tubig sa tag-init.
Ito ang tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System sa harap ng inaasahang mataas na demand ng tubig kapag opisyal nang idineklara ang tag-init na panahon.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing sinabi ni MWSS Deputy Administrator James Patrick Dizon, na hindi magkakaroon ng pagtaas ng singil sa tubig sa kabila rin ng ipinatupad na adjustment sa tarrif rate ng water concessionaires na Maynilad at Manila Water noong Enero.
Tiniyak ni Dizon na hindi magbabago ang halaga ng babayarang water bill ng mga customer, gayunpaman, pinapayuhan pa rin ang publiko na magtipid sa pagkonsumo para mapanatili ang mababang bayarin sa tubig.
Umapela din ang opisyal sa publiko na inspeksyunin at silipin ang mga linya ng tubig sa kani-kanilang bahay o establisyemento para maagapan at maisaayos agad ang posibleng leak o tagas sa mga sirang linya ng tubig. - sa panulat ni John Riz Calata