Muling nagharap sa oral arguments ng Korte Suprema ang mga kontra at mga tagapagtanggol ng martial law sa Mindanao.
Sa ikalawang araw ng oral arguments, iginiit ni Congressman Edcel Lagman na dapat ay idineklara lamang ang martial law sa mga lugar na mayroong aktuwal na rebelyon.
Bilang sagot sa pagtatanong ni Associate Justice Diosdado Peralta, binigyang diin ni Lagman, mayroon lamang banta na madamay sa kaguluhan ang mga katabing lugar ng Marawi City subalit walang aktuwal na rebelyong nagaganap doon.
Nagtanong naman si Associate Justice Marvin Leonen kung pwedeng gamitin ang martial law para puksain ang iba pang krimen tulad ng illegal drugs, laban sa NPA o New People’s Army, kritiko at iba.
Bilang tugon, sinabi ni Lagman na malinaw sa sinasabi ng 1987 Constitution na maaari lamang gamitin ang martial law upang matugunan ang rebelyon o pananakop.
Nauna nang ipinaliwanag ng petitioners kontra martial law sa Mindanao na hindi sinasabi sa konstitusyon na pwedeng gamitin ang martial law kontra terorismo kaya’t nagpasa ng hiwalay na anti-terrorism law ang kongreso.
By Len Aguirre | With Report from Bert Mozo