Pinayuhan ng Malakanyang ang mga kontra sa pagbaba sa siyam na taong gulang ng criminal liability ng mga nagkakasala sa batas.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, dapat munang basahin ang nilalaman ng probisyon ng nasabing panukala sa halip na kumontra base sa maling impormasyon at kamangmangan.
Sinabi ni Panelo na maaring sadyang hindi alam o nagtatanga tanghan lang ang mga kontra sa nasabing panukala sa realidad na napakatalino na ng mga kriminal para gamitin ang umiiral na juvenile act para pagsamantalahan ang mga bata at makatakas ang mga sindikato sa kanilang pananagutan.
Nakasaad aniya sa panukala na walang parusang pagkakulong ang ipapataw sa mga batang offenders na siyam na taong gulang pababa.
Ang mga youth offender na may edad siyam pataas at hindi lalampas sa labing walong taong gulang ay hindi ikukulong kundi ilalagay lamang sa youth care facilities at may gagabay na mga doktor, psychologist at social workers.
Binigyang diin ni Panelo na applicable lamang ang maximum penalty na reclusion perpetua sa mga kriminal na gumagamit sa mga bata para maisakatuparan ang kanilang criminal activities.