Hinamon ng Malakanyang ang sino mang kontra sa ipinataw nilang ‘suspension order’ laban kay Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang na magpasaklolo na lamang sa Korte Suprema.
Reaksyon ito ng Malakanyang sa pahayag ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na hindi niya ipapatupad ang suspension order kay Carandang dahil ito ay ‘unconstitutional’.
Paliwanag ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, bagama’t mayroong desisyon ang katas-taasang hukuman na iniaalis ang kapangyarihan ng Office of the President sa ‘disciplinary jurisdiction’ ng Ombudsman ay mayroon pa rin itong ‘gray area’ dahil sa botohang 8 – 7.
Giit pa ni Panelo, anumang desisyon ng gobyerno ay mayroong ‘presumption of regularity’ maliban na lamang kung mayroong malinaw na desisyon ang hukuman.
Una dito, nilinaw ng Malakanyang na hindi pa epektibo ang resolution and order ng Office of the Ombudsman kung saan sinususpindi si Carandang.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque may sampung (10) araw si Carandang para sagutin ang pag-suspinde sa kaniya ng Pangulo bago ito tuluyang magpasya sa nasabing usapin.