Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga taga – Maranao na tanggapin at papasukin sa kanilang lungsod ang mga Kristyanong mamumuhunan na maglagak ng negosyo sa Marawi City.
Sa kanyang pagdalo sa groundbreaking ceremony ng bagong military camp sa Marawi City, sinabi ni Pangulong Duterte na kailangang magtulungan at magkaisa ang mga Kristiyano at Muslim para maging progresibo at madaling makabangon ang lungsod.
Hinimok ding muli ni Pangulong Duterte ang mga taga – Marawi na huwag nang hayaang makapasok muli ang mga teroristang Maute – ISIS sa kanilang komunidad.
Magugunitang sinisi noon ng Pangulo ang mga residente dahil sa pagpapahintulot na makapasok sa lungsod ang mga armadong lalaki hanggang sa hindi na makontrol ang sitwasyon na nauwi sa pinaka-mahabang urban warfare sa kasaysayan ng bansa.
Tuloy – tuloy naman ang isinasagawang rehabilitasyon ng pamahalaan sa lungsod ng Marawi kung saan namahagi kahapon, Enero 30, si Pangulong Duterte ng mga transition shelter sa mga residente.
Tinatayang 250 certificates of acceptance at occupancy ang ipinamahagi ng Pangulo sa mga apektadong residente bilang bahagi ng pagbangon ng Marawi.