Tiyak na uulan na umano ng mga hallow blocks at adobe sa Malacañang sa sandaling pormal nang umupo bilang bagong presidential spokesman ang dating mambabatas at human rights lawyer na si Atty. Harry Roque.
Iyan ang babala ni Roque makaraang kumpirmahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-upo niya bilang bagong tagapagsalita ng Pangulo kapalit ni Undersecretary Ernesto Abella.
Sa naging panayam ni Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson kay Roque sa Japan, pinasaringan nito ang mga kritiko na wala aniyang ginawa noong sila’y nananatili pa sa kapangyarihan.
Pinayuhan pa ni Roque ang mga kritiko na sa halip na bumatikos ay tumulong na lamang sa pamahalaan para sa ganap na pag-unlad ng bansa.
“Yung mga naninira lamang diyan, kung dati eh hindi kayo nababato bagamat kayo’y nambabato, ngayon ay maghanda na kayo, kapag kayo’y nambato hindi lang bato ang itatapon ko sainyo, hollow blocks, abangan niyo po ang mga adobe at hollow blocks na itatapon ko sa inyo, itigil niyo na ang pambabato, kung gusto niyo po ay tumulong na lang kayo sa ating bansa sa napakaraming problema.” Pahayag ni Roque
—-