Binanatan ni Presidential Spokesman Harry Roque ang mga kritiko ng gobyerno na nag-uudyok na makipag-gyera ang Pilipinas sa China dahil sa issue ng pinag-aagawang West Philippine Sea.
Ayon kay Roque, nais niyang kunin at isakay sa isang barko ang lahat ng bumabatikos sa mga hakbang ng Duterte Administration hinggil sa territorial dispute at dalhin ang mga ito sa West Philippine Sea upang sila ang makipaglaban sa Tsina.
Kung nais anya talaga ng mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte ng gulo, sila na ang maunang lumusob sa China nang maubos na ang mga ito at magkaroon na ng katahimikan sa Pilipinas.
Iginiit ni Roque na hindi na dapat idamay ng mga nasa oposisyon ang mga ordinaryong Pilipino at mga mahihirap na mangingisda na ang tanging hangad ay magkaroon lamang ng maayos na pamumuhay at makapangisda ng malaya sa West Philippine Sea.