Labis na ikinagalit ng ilang mga biktima ng martial law noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang lumutang na compromised agreement sa pagitan ng pamahalaan at ng pamilya Marcos.
Ayon kay dating Commission on Human Rights (CHR) chairperson Loretta Ann Rosales na isa din sa biktima ng batas militar, garapal ang inihaing mungkahi ng Marcos loyalist na si Atty. Oliver Lozano.
Giit ni Rosales, isa aniya itong tahasang pagbabalewala sa sistemang katarungan at prosesong ligal dahil sa tila pag – aabsuwelto sa pamilya Marcos sa lahat ng mga kasalanan nito sa bayan.
Umalma din ang isa sa mga nagbalangkas ng saligang batas noong 1987 na si Professor Ed Garcia na nagsabing dapat kundenahin ang anuman at alinmang kasunduang mamamagitan sa mga Marcos at sa pamahalaan.
Giit ni Garcia, dapat parusahan ang mga magnanakaw sa kaban ng bayan na walang awang lumapastangan hindi lamang sa karapatang pantao kung hindi sa karapatang umunlad ng Pilipinas.