May buwelta si Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang mga kritiko na bumabatikos hinggil sa kaniyang planong magtatag ng isang revolutionary government at umano’y pagiging diktador.
Sinabi ng Pangulo sa kaniyang talumpati sa Cagayan de Oro City kagabi na wala siyang planong manatili sa puwesto at napatunayan na aniya ito ng mga taga-Davao nuong siya’y alkalde pa ng lungsod.
Sinabi pa ng Pangulo na sa tuwing natatapos ang kaniyang termino sa Davao City nuon, itinatalaga niya ang Vice Mayor para mangasiwa sa lungsod habang siya’y nagpapahinga na.
Bira pa ng Pangulo, ang mga nag-aakusa aniya sa kaniya sa oposisyon na nais umano niyang magtagal sa puwesto ay ang mga taong may pansariling motibo na gustong makabalik sa kapangyarihan.
Pagtitiyak ng Pangulo, bababa siya sa puwesto sa huling araw ng kaniyang termino o di kaya’y mas maaga pa dahil ito aniya ang nararapat.
Aileen Taliping