Hindi pa rin naramdaman ng mga pasahero ang epekto ng ikalawang araw ng tigil pasada ng grupong PISTON o ang Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide.
Ito’y batay na rin sa monitoring ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board kung saan, lumalabas na ilang lugar lamang ang nakapagtala ng mga nagsisama sa nasabing protesta.
Ayon kay Atty. Aileen Lizada, tagapagsalita at Board member ng LTFRB, ilan sa mga ito ay ang Angeles at San Fernando sa Pampanga gayundin sa San Pedro at Calamba sa Laguna maging ang Antipolo sa Rizal.
Samantala, asahan nang magbabalik sa normal ang sitwasyon sa Metro Manila gayundin sa iba’t ibang panig ng bansa ngayong araw ng Miyerkules, Oktubre 18.
Ito’y dahil sa idineklara ng Malacañang na may pasok na muli sa mga paaralan sa lahat ng antas, pampubliko at pribado gayundin sa mga tanggapan ng gubyerno.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, ginawa ng palasyo ang pahayag kasunod ng pagkalat sa social media ng mga pekeng balita na suspendido pa rin umano ang pasok ngayong araw ngunit wala namang nakasaad kung ano ang dahilan.