Nanawagan ang ilang Kongresista sa Department of Energy (DOE) at iba pang ahensya na magbantay kaugnay sa posibleng gawing pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo ng ilang mga kumpanya ng langis nang mas maaga sa implementasyon ng tax reform package.
Ayon kay Eastern Samar Representative Ben Evardone, dapat hindi makaligtas at mabantayang mabuti ng task force na binubuo ng DOE, Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police (PNP) ang mga kumpanya ng langis na lalabag sa batas.
Pagsasagawa naman ng spot audits sa lumang stocks ng langis ang panawagan ni Deputy Speaker Miro Quimbo.
Banta pa ng Kongresista, maaaring maharap sa kasong ‘economic sabotage’ ang oil companies na mapatutunayang magsasamantala.
Kaugnay nito tiniyak naman ni DOE Assistant Secretary Bodie Pulido na mananagot ang mga kumpanya ng langis na agarang magtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo.