Iniimbestigahan na ng Department of Energy o DOE ang mga kumpanya at istasyon ng langis sa Baguio City, Cebu at Palawan.
Ito ay matapos na mapaulat ang mas mataas na bentahan ng mga produktong petrolyo sa naturang mga lugar.
Sa tala ng DOE noong Marso, mabibili ng P59.16 ang kada litro ng gasolina sa Baguio City habang P51 lamang ito sa La Union.
Nais na malaman ng DOE kung ano ang katwiran ng mga may-ari ng gasolinahan kung bakit mas mahal ang bentahan nila ng langis kumpara sa mga karatig lugar.
Samantala, aminado ang DOE na wala itong kakayahan na pigilan ang pagsirit ng presyuhan ng langis.
Ayon kay Director Reno Abad ng Oil Management Bureau ng DOE, mandato ng ahensya na i-monitor ang mga kumpanya ng langis kung nasusunod ang panuntunan sa pagpapatupad ng presyuhan ng langis sa merkado.
Binigyang diin ni Abad na hindi kontrol ng ahensya ang presyo bagkus ay malaking bahagi nito ay nakabatay sa pandaigdigang merkado.
Binigyang diin din ng opisyal na ang Land TRansportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang siyang may hurisdiksyon pagdating sa hirit na taas presyo sa pasahe bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Aniya, ang tanging papel ng DOE ay ang pagkalap ng impormasyon kung magkano ang ginagalaw ng presyo ng langis at iba pang detalye sa merkado.
—-