Nakikipag-ugnayan na ang Bureau of Customs sa Department of Migrant Workers upang papanagutin ang consolidators o freight forwarding entities na nag-abandona sa libu-libong balikbayan boxes mula Middle East.
Ito’y makaraang dagsain ng sandamakmak na tao ang isang bodega sa Balagtas, Bulacan, sa pag-aakalang matatanggap na nila ang mga natenggang package na ipinadala ng kanilang mga kaanak.
Gayunman, nilinaw ng isang Representative ng warehouse hindi pa i-re-release ang mga bagahe dahil ipadadala ito mismo sa address ng recipient kaya’t nagkagulo ang mga naghintay sa bodega.
Ayon kay BOC spokesman Arnaldo Dela Torre Jr., iniimbestigahan at tinutukoy na nila ang mga nagpabayang kumpanya upang masampahan ng kaukulang kaso laban.
Magpapatupad din anya sila ng mas mahigpit na mga polisiya upang maiwasang maulit ang insidente.
Ipinaliwanag ni Dela Torre na planong lumikha ng Aduwana ng inventory ng balikbayan boxes bago ang delivery at dapat ding abisuhan ng ahensya ang mga recipients ng packages.