Kukumpiskahin ng mga awtoridad ang lisensya ng mga tsuper ng pampublikong transportasyon na lalabag sa ipinatutupad na one meter physical distancing sa mga pasahero nito upang hindi mahawaan ng COVID-19.
Iyan ang babala ng Joint Task Force COVID-19 Shield matapos bawiin ni Transportation Sec. Arthur Tugade ang naunang desisyon nito na bawasan ang distansya upang dumami ang mapagsilbihan nilang pasahero.
Ayon kay Task Force Commander P/Ltg. Guillermo Eleazar, inutusan na ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Camilo Cascolan ang lahat ng kanilang unit commanders na magtalaga ng marshals.
Pangungunahan ng PNP Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang pagkakasa ng random inspection sa mga terminal at loob ng mga pampublikong sasakyan para tiyaking nasusunod ang isang metrong distansya na itinakda ng Inter-Agency Task Force (IATF).