Maaaring arestuhin agad ang sinumang lalabag sa batas trapiko na manunuhol o magbibigay ng lagay sa tauhan ng Highway Patrol Group (HPG) na nakahuli sa kanila.
Ayon kay HPG Director C/Supt. Arnold Gunnacao, alinsunod na rin ito sa utos nina Pangulong Benigno Aquino III at PNP Chief Director General Ricardo Marquez na maging mahigpit ang gagawing pagpapatupad na batas trapiko sa EDSA.
Bukod sa traffic violation, sinabi ni Gunnacao na dagdag na asunto pa ang posibleng kaharapin ng sinumang manunuhol sa mga taga-HPG na magmamando sa trapiko sa EDSA sa Lunes.
Sa kabilang banda, hinikayat naman ni Gunnacao ang mga mahuhuling motorista na hangga’t maaari ay idokumento sa pamamagitan ng cellphone video ang ginagawang panghuhuli.
Paraan na rin aniya ito para maprotektahan ang magkabilang panig sa gitna ng pinangangambahang magkaroon ng pangongotong sa hanay ng mga otoridad.
By Meann Tanbio