Posibleng umabot sa pag-aresto kung mayroong mga debotong hindi susunod o lalabag sa mga itinakdang health at safety protocols sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Pista ng Poong Itim na Nazareno sa ika-9 ng Enero.
Ito ang ibinabala ni Manila Police Distrcit (MPD) chief Police Brig. Gen. Leo Francisco kung saan, magtatalaga aniya sila ng mga pulis upang tutukan ang pagpapanatili ng physical distancing sa mga deboto.
Magsisilbi naman aniyang temporary detention facility ng mga lalabag at maarestong deboto ang mga ide-deploy na bus ng Bureau of Jail Management and Penology.
Samantala, una nang sinabi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na hindi papayagang dumalo sa naturang pagdiriwang ang mga may edad 15-taong gulang pababa at 65-taong gulang, pataas.