Maaaring makulong ng 1 hanggang 3 taon at magmulta ng hanggang P150,000 ang sinumang kandidato na gagamit ng musika para sa kanilang jingle nang walang pahintulot ng kompositor.
Ayon kay Josephine Santiago, Director General ng IPO o Intellectual Property Office, malinaw na paglabag sa Intellectual Property Code ang ginagawa ng maraming kandidato na pinapalitan lamang ang lyrics ng isang kanta na ginagamit nila sa kanilang kampanya.
Gayunman, aminado si Santiago na wala namang kompositor o lyricists na naghahain ng pormal na reklamo sa kanilang tanggapan.
“Ipaalam po muna natin sa publiko ang ganyang karapatan nila at kung ito’y tumimo sa puso nila ay kailangan nilang lapitan ang FILSCAP, kung saan maaaring doon member ang kompositor or lyricist sa pamamagitan po ng ganoong klaseng anunsyo, mabubukas po siguro ang kamulatan ng mga tao, maaaring wala na po ang complaint, kung susunod sila at kung magkaroon nga ng hindi pagsunod, then that’s the time that they could file a complaint of infringement.” Ani Santiago.
Sinabi ni Santiago na nakatakda silang maglabas ng joint statement kasama ang Commission on Elections (COMELEC) upang magsilbing babala sa mga kandidato na lumalabag sa Intellectual Property Code.
Ito ay bilang tugon sa hinaing ng FILSCAP o Filipino Society of Composers, Authors and Publishers partikular ng singer na si Noel Cabangon laban sa paggamit ng kanilang mga likhang awitin bilang jinggle sa kampanya nang hindi ipinapaalam.
Ayon kay Santiago, kung tutuusin ay napakasimple lamang naman ng dapat gawin ng isang kandidato para walang malabag na batas.
“As soon as this works are made the law already protects them, hindi po ito katulad ng patent na kailangan pang ilapit sa ahensya namin para irehistro o kaya sa National Library. Ito po ay protected na, kaya once na ito ay nagaya then meron na silang karapatan na mag-demand ng konting recognition o kabayaran, hindi naman po kalakihan ito ay parang token lang, parang sort of recognition lang na hello, akin po yan.” Pahayag ni Santiago.
By Len Aguirre | Ratsada Balita