Pananagutin sa batas ang sinumang lalabag sa enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Tiniyak ito ng Malakaniyang matapos mabatikos sina Senador Koko Pimentel at ACT-CIS Partylist Representative Eric Go Yap na nakisalamuha pa rin sa ibang tao kahit na persons under investigation (PUI) na dahil sa COVID-19.
Sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na mananagot ang sinuman na lalabag sa ECQ kahit ano pa ang estado sa buhay ng mga ito.
Una nang kinundena ng Makati Medical Center si Pimentel matapos magtungo sa ospital at samahan ang manganganak na asawa kahit siya ay PUI na.
Sinasabing nag grocery pa si Pimentel sa isang malaking membership shopping center sa Bonifacio Global City bago lumabas ang resulta na positibo siya sa COVID-19 test.
Si Yap naman ay dumalo sa pulong sa Malakankyang kahit na PUI na at sumailalim sa COVID-19 test.