Hindi muna pagmumultahin ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga lalabag sa “Modified Number Coding Scheme” mula ngayong araw hanggang sa Agosto a-17.
Ayon kay MMDA Head for Special Operations Edison Nebrija, magpapatupad ang ahensya ng test run ng bagong window hour simula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng umaga sa loob ng tatlong araw.
Sinabi ni Nebrija na ang mga mahuhuling violator sa nasabing dry run ay hindi muna bibigyan ng ticket o hindi pagmumultahin.
Gayunman, tiniyak ni Nebrija na sisimulan ang pagpapatupad ng naturang sistema sa Agosto a-18 upang mahigpitan ang paglabas sa lansangan ng mga pribadong sasakyan kada linggo.
Bukod pa diyan, ipaiiral din ang Number Coding simula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi tuwing weekdays.
Sinabi ng opisyal na exempted sa nasabing sistema ang mga Public Utility Vehicle, Transport Network Vehicle Services, motorsiklo, garbage truck, fuel truck, marked government vehicle, fire truck, ambulansya, marked media vehicles, at mga sasakyang nagdadala ng essential or perishable goods.