Binalaan ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang mga operators at drivers ng jeepney na lumalahok sa tigil-pasada.
Ayon kay Atty. Aileen Lizada, Spokesperson at Board Member ng LTFRB, malinaw sa prangkisa ng mga pampasaherong sasakyan na hindi sila puwedeng lumahok sa mga protesta laban sa mga proyekto ng pamahalaan tulad ng jeepney modernization.
Sinabi ni Lizada na nakatakda nilang kasuhan ang mga operators at drivers na lumahok sa mga nakalipas na tigil-pasada.
“Kasi alam naman natin yung terms and condition ng prangkisa, you are not allowed to use your franchise as a sign of protest to any government project or policy, ito yung nakakalimutan nila, they keep on saying na yung prangkisa is a privilege na ibinibigay ng gobyerno, huwag niyo pong abusuhin.” Ani Lizada
Kasabay nito ay umapela si Lizada kay Jun Magno ng Stop and Go Coalition na muli itong makipag-usap sa LTFRB.
Ayon kay Lizada, noong huling makausap niya si Magno ay nagpahayag na ito na bukas sila sa modernisasyon ng jeepney.
Matatandaan na inihayag ni Magno ang kanilang tigil-pasada sa September 25 at 26 bilang protesta sa modernisasyon.
“Nag-usap na kami and he said yes and that they will support the program of the government sa modernization, hindi ko maintindihan why this posturing now, nonetheless naka-ready kami sa Monday and Tuesday for the 2-day strike, ang akin lang if Jun Magno is listening sana mag-usap po kami ulit kasi ang alam ko okay na sila sa modernization program.” Pahayag ni Lizada
Case vs. PISTON President
Samantala, kakasuhan na ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board si George San Mateo, ang national president ng grupong PISTON.
Ayon kay Lizada, isasampa na sa regular na korte ang mga kaso laban kay George San Mateo dahil sa naging papel nito sa mga nagdaang tigil-pasada na ginawa ng PISTON.
Sinabi ni Lizada na natagalan ang pag-aaral ng kanilang legal team kung anong isasampang kaso kay San Mateo dahil hindi naman ito operator kaya’t wala itong prangkisa.
Ngayong araw na ito ay inilunsad ng PISTON ang dalawang araw nilang tigil-pasada bilang protesta sa modernisasyon ng mga jeepney.
“We cannot force or impose any government project for those who not want to join, every time they do this, the government has to be ready for any eventuality, we maximize the use of government forces, anytime this afternoon our legal will file a case against Mr. San Mateo sa regular court.” Dagdag ni Lizada
( Ratsada Balita Interview)