Patuloy na dinaragsa ng mga last minute christmas shopper ang Divisoria, Maynila at Baclaran sa Pasay at Parañaque.
Sa pagtaya ng Manila Police District, aabot na sa kalahating milyon ang mga namimili sa Divisoria kada araw.
Muling pina-aalalahanan ng M.P.D. ang publiko na panatilihin ang health protocols para sa kanilang kaligtasan at ingatan ang mga gamit, tulad ng cellphone at wallet.
Inabisuhan din ng pulisya ang mga mamimili na hangga’t maaari ay iwasan nang magdala ng mga bata o senior citizen sa mga siksikan at mataong lugar.
Sa Baclaran naman, halos magkapalitan na ng mukha ang mga tao dahil nagkasabay ang mga nagsisimba sa National Shrine of our Mother of Perpetual Help at namimili ng kanilang mga pamasko.
Samantala, binalaan ng MMDA ang mga vendor na lumalampas na sa kalsada at inutusan ang mga ito na tumabi upang makadaan ang mga tao at sasakyan.