Pinakikilos na ng Office of Civil Defense (OCD) Cordillera ang mga Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) sa rehiyon na maghanda na ng mga evacuation center.
Ito’y bilang paghahanda sa bagyong Gardo na nasa loob na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at ang super typhoon na Hinnamnor na kapag pumasok na sa PAR ay tatawaging bagyong Henry.
Pinasisiguro ni Edgardo Ollet, Officer in Charge ng OCD Cordillera na mayroong mga lugar na paglilikasan ang mga maapektuhang indibidwal.
Sinabi pa nito na dapat masunod ng maigi ang health protocols partikular na ang social distancing sa mga evacuation center.
Giit pa nito, upang maiwasan ang malaking pinsala, dapat maagang magkaroon ng paglilikas sa mga lugar na delikado sa pagguho ng lupa at pagbaha.
Kasunod nito nagpaalala ang OCD sa publiko na mag-ingat, mag-monitor sa lagay ng panahon at makinig sa abiso ng mga otoridad.