Hinimok ni Senator Francis Tolentino ang Department of Budget and Management (DBM) na palakasin ang mga local government units (LGU) alinsunod sa Supreme Court Mandanas ruling.
Ayon kay Tolentino, layunin ng hakbang na maiwasan ang epekto ng nagbabadyang global recession dulot ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sa pamamagitan ito ng pag aalok sa mga LGU ng funded allocation na tutugon sa pangangailangan ng kanilang nasasakupan, lalo ngayong patuloy ang paghina ng purchasing power ng mga ordinaryong mamamayan.
Nagbigay anya ng guidelines ang outgoing DBM Officials kung paano gagastusin ang karagdagang alokasyon sa mga LGU sa ilalim ng Mandanas ruling.
Malaking halaga ang maibibigay na dagdag na pondo sa mga LGU kung saan dapat nila itong gamitin sa tunay na pangangailangan sa kanilang constituents upang maiwasan ang epekto ng napipintong recession.
Iginiit ng senador na maaaring gamitin ang karagdagang alokasyon sa pamamagitan ng pagtatayo ng karagdagang warehouses, milling stations at cold storage facilities para sa mga lokal na magsasaka at mangingisda. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)