Iimbestigahan na sa Kamara ang mga local government units (LGU) para alamin kung nasusunod ba ng tama ang mga panuntunan kaugnay sa paghihiwalay at pagtatapon ng COVID-19 related health care wastes.
Sa inihaing House Resolution 2277 ni Parañaque Rep. Joy Tambunting, inihiling nito na silipin kung naipatutupad ba ang “COVID-19 waste management plan” sa bawat lungsod ng Metro Manila maging sa iba pang mga lalawigan.
Inaamyendahan din sa resolusyon ang Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act upang maiwasan ang anumang kapabayaan o kapahamakan na magdudulot ng panganib sa publiko o posibleng pagkalat pa ng COVID-19.
Kulang man sa pasilidad o hindi sapat ang kagamitan sa ilang mga lugar ay dapat din na tama at epektibo ang “segregration and treatment/disposal” ng mga healthcare waste upang makontrol ang pagtaas ng kaso ng Corona virus disease. —sa panulat ni Angelica Doctolero