Taliwas sa ipinagmamalaki ng ilang local government units, binigyang diin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na wala pa itong anumang LGU na idineklarang fully compliant o 100% nakasunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng clearing operations.
Ang pahayag ay ginawa ni DILG spokesperson undersecretary Jonathan Malaya matapos mapaulat na 6 na lungsod na sa Metro Manila ang nakatugon sa 60 araw na deadline ng Pangulo.
Paglilinaw ni malaya, ang final assessment ay saka pa lamang ilalabas ng kanilang tanggapan pagkatapos ng ultimatum ng Presidente sa Setyembre 29.
Hindi lamang aniya tungkol sa pagsasagawa ng road clearing operations ang nakasaad sa kautusan ng Pangulong Duterte at sa DILG memorandum circular sapagkat saklaw din nito ang pagbabawal sa illegal construction, paghahanda ng road inventories, displacement strategies at rehabilitasyon sa mga binawing public roads.