Umapela ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) sa mga Local Government Units (LGUs) na tumulong sa evacuation at relief operations sa mga apektado ng pagaalburoto ng bulkang Taal.
Ayon kay Michael Salalima, MMDA Public Safety Office and Disaster Risk Reduction and Management focal person head, nagpapatuloy ang evacuation at relief operations sa mga lugar na lubos na apektado ng pagsabog ng bulkang Taal.
Una nang nagtalaga ang MMDA ng mga tauhan para umalalay sa paglilikas ng mga residente.
Kasabay nito, ipinabatid din ni Salalima na maglalagay ang MMDA ng dalawang portable water purifiers sa Santo Tomas, Batangas para sa ligtas na inuming tubig ng mga evacuees.
Maliban dito, mayroon din silang itatalagang radio personnel para sa communication facility sa lugar.