Inihain ng mga lider ng Kamara de Representantes noong miyerkules ang House Bill no.11192 na naglalayong i-regulate ang paglalaan at paggamit ng Confidential at Intelligence Funds (CIFs) at patawan ng parusa ang maling paggamit nito.
Naghain din sila ng kaugnay na panukala upang i-regulate ang mga Special Disbursing Officer (SDO) ng gobyerno at magtakda ng parusa sa maling paggamit ng pondong kanilang pinangangasiwaan.
Ang dalawang panukala ay inakda ng 38 miyembro ng Committee on Good Government and Public Accountability na pinamumunuan ni Manila Rep. Joel Chua, kasama sina Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio Gonzales Jr., Deputy Speaker at Quezon Rep. David Suarez, at Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., Vice Chairman ng komite.
Ang mga panukalang batas ay bunga ng masusing imbestigasyon ng komite sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds na natanggap ng Office of the Vice President Sara Duterte at ng Department of Education sa ilalim ng kaniyang pamumuno.