Pinaalalahanan ni Interior and Local Government Secreatry Eduardo Año ang lahat ng mga local chief executives na personal na pangasiwaan ang pagresponde sa mga maaapektuhan ng pananalasa ng bagyong Tisoy.
Ayon kay Año, kanyang inaasahang nasa kani-kanilang incident command center ang lahat ng mga Gobernador, Alkalde at Barangay Chairman para mahigpit na mabantayan ang sitwasyon sa kani-kanilang lugar.
Dapat rin aniyang makipag-ugnayan ng mga local executives sa kani-kanilang mga lokal na pulisya, Bureau of Fire Protection (BFP) at iba pang emergency response authority para sa pagpapatupad ng pre-emptive at forced evacuation sa mga lugar na inaasahang tatamaan ng storm surge, pagbaha at pagguho ng lupa.
Inatasan din ni Año ang mga local executives na tiyakin ang maayos na linya ng komunikasyon para maayos na maiparating sa mga komunidad ang mga update sa sitwasyon at paghahanda sa kani-kanilang nasasakupan.