Pinaghahandaan na ng mga local airlines ang posibilidad ng pagbabalik-operasyon ng mga commercial flights ngayong Hunyo.
Kasunod ito ng inaasahang pagluwag na ng mga restriksyon sa pagbiyahe kasabay na rin ng pagsasailalim sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa sa general community quarantine simula sa lunes.
Ayon kay Philippine Airlines Spokesperson Cielo Villaluna, kanilang ikinalulugod ang pagkakataong makabalik na ang regular na operasyon ng mga commercial flights.
Dagdag ni Villaluna, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa pamahalaan para sa pagpapatupad ng mga kinakailangang patakaran gayundin sa pagsasaayos ng pinal na ruta at schedule ng kanilang mga flights.
Samantala, sinabi naman ni AirAsia Philippines Communications Head David Castro, kanila nang pinag-aaralan ang mga ipinatutupad na panuntunan ng aviation authorities at bawat lokal na pamahalaan sa kanilang nasasakupan.
Pinapayuhan ni Castro ang kanilang mga pasahero na palagiang i-check ang kanilang website para sa mga available na biyahe ng kanilang mga eroplano.