Bagaman 3 araw ba bago magsimula ang kampaniyahan sa lokal na posisyon, may paalala na ang Philippine National Police (PNP) sa mga lokal na kandidato.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, dapat munang makipag-ugnayan ang mga ito sa Pulisyang nakasasakop sa kanila upang matiyak na patas ang proteksyong kanilang ibibigay.
Aminado kasi ang PNP na kadalasang mas di hamak na mainit ang tunggalian sa pagitan ng mga kandidato sa lokal na lebel na humahantong pa sa karumal-dumal na krimen o patayan.
Paliwanag ni Carlos, may standard security package naman silang ibinibigay sa mga aktibidad sa kampaniya kaya’t labis aniyang mahalaga ang pakikipag-ugnayan upang mabigyan ng angkop na seguridad.
Sa kasalukuyan, patuloy aniya ng pagsasala ng PNP sa hiling ng mga lokal na pulitiko para sa kanilang seguridad subalit, binigyang diin ng PNP na bawal ang familiarity para maiwasan ang anumang pagkiling. - ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)