Umabot sa kabuuang P136 million ang tulong pinansyal na ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa Eastern Visayas.
Bahagi ang distribusyon ng presidential assistance sa mga pagsisikap ng administrasyong Marcos upang matulungan ang mga magsasaka, mangingisda, at pamilyang apektado ng El Niño phenomenon.
Batay sa datos, nasa 20,000 na pamilya ang napinsala ng matinding tagtuyot sa rehiyon. Nagdulot ito ng P23 million na pagkalugi sa agrikultura sa Biliran, Southern Leyte, at Leyte.
Upang pagaanin ang epekto ng El Niño, naglaan ang pamahalaan ng standby funds at stockpile na nagkakahalaga ng halos P180 million.
Bukod sa presidential assistance, nakatanggap ng P10,000 ang 8,930 beneficiaries sa Samar sa ilalim ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nagkaloob din si Pangulong Marcos ng P10,000 sa mga benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng DSWD sa Leyte, Southern Leyte, at Biliran.