Asahan na ang mga long weekend sa susunod na taon matapos ilabas ng Malakanyang ang nirebisang listahan ng regular at special non-working holidays.
Ilan sa mga petsa ay pinalitan ni Pangulong Bongbong Marcos upang humaba ang bakasyon at makatulong sa ekonomiya.
Alinsunod ito sa proclamation 90 ng pangulo, na nag-amyenda sa naunang proclamation 42, na nilagdaan noong Biyernes.
Idineklarang regular holidays ang bagong taon sa January 1, araw ng Linggo; Huwebes Santo, April 6; Biyernes Santo, April 7 hanggang April 10 o Araw ng Kagitingan, na papatak ng Lunes kaya’t mahaba ang bakasyon; Labor Day, May 1; Independence Day, June 12 at National Heroes Day, August 28, na pawang nagkataong Lunes kaya’t mahaba rin ang weekend ng mga manggagawa;
Ginawa namang November 27 ang Bonifacio Day kaya’t magkakaroon ng 3 day long weekend; long weekend pa rin ang pasko, December 25 na papatak din ng lunes habang Sabado ang Rizal Day, December 30.
Special non-working days naman ang EDSA People Power Revolution, February 25, Sabado; Sabado De Gloria, April 8; magkasunod din ang bakasyon sa All Saints Day, November 1, Miyerkules at All Souls Day, November 2, Huwebes; Feast of the Immaculate Conception of Mary, December 8, Biyernes at huling araw ng taon, December 31, Linggo.
Ang bagong taon ay papasok sa linggo sa 2023 kaya’t nagdagdag ang pangulo ng special day sa ikalawang araw ng taon o January 2 para mas maraming maging oras ang mga pinoy kasama ang kanilang pamilya sa okasyon.