Mas lumawak pa ang mga lugar sa Leyte na apektado ng African Swine Fever.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), nakapagtala na rin ng kaso ng ASF sa barangay Combis sa Dulag, Leyte.
Batay sa ulat, isang residente ng barangay ang nakabili ng baboy mula sa Abuyog, Leyte kung saan unang naitala ang kaso ng ASF sa lalawigan.
Maliban sa Abuyog at Dulag, una na ring naapektuhan ng ASF ang mga bayan ng Javier at Lapaz.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 1,900 mga baboy sa Leyte ang isinailalim sa depopulation ng DA at lokal na pamahalaan.
Patuloy ding umaapela ang kagawaran sa mga lokal na pamahalaan na kontrolin ang mga ipinapasok na karneng baboy sa kanilang nasasakupan para mapigilan at tuluyan nang mapuksa ang ASF.