Naibalik na ng National Electrification Administration (NEA) ang suplay ng kuryente sa halos lahat ng mga lugar na matinding naapektuhan ng bagyong Vicky noong nakaraang linggo.
Batay sa monitoring report ng Disaster Risk Reduction and Management Department ng NEA, patuloy naman ang kanilang pagsasaayos sa nalalabing lugar na sineserbisyuhan ng tatlong electric cooperative.
Anila, naibalik na ng Surigao Del Sur 1 Electric Cooperative (SURSECO 1) ang buong suplay ng kuryente sa mga bayan ng Hinatuan at Barobo habang partially restored naman sa Bislig City at mga bayan ng Lingig at Tagbina.
Dagdag ng NEA nakumpleto na rin ng agusan Del Sur Electric Cooperative Inc. ang pagsasaayos sa serbisyo ng kuryente sa Bayugan City, Esperanza, La Paz, Loreto, Prosperidad, Rosario, San Francisco, San Luis, Santa Josefa, Sibagat, Talacogon, Trento at Veruela.
Samantala, sinabi ng NEA na ilang lugar na lamang sa Tuguegarao City, mga bayan ng Alcala, Amulung, Enrile at Solana na siniserbisyuhan ng CAGELCO 1 ang bahagya pa lamang naibabalik ang suplay ng kuryente.